100 RESIDENTE LUMIKAS, 2 GRUPO NG MILF NAGLABAN

MILF-1

MAGUINDANAO – AABOT sa 100 residente ng Barangay Langgapanan, Sultan Sa Barongis ang nagsilikas nang sumiklab ang labanan ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 106th Base Commanders.

Sa impormasyon mula kay 33rd Infantry Battalion, Philippine Army commander Lt. Col Harold Cabunoc, sinabi nito na nagkaroon ng giyera sina Kumander Mac 4 at Kumander Sammy Tahir matapos umanong magkainggitan sa kita ng kanilang pangongotong sa mga biktimang negosyante, local farmers at iba pang ordinaryong mga residente sa lugar.

Sinasabing nagbarilan ang nasabing grupo at nagresulta sa paglikas ng mga residente ng Barangay Langgapanan.

Agad namang pumagitna ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group sa pamumuno ni Benhod Solaiman, matapos maparalisa ang takbo ng pamumuhay ng mga residente at sinuspinde ang mga klase.

Kaagad ding nagsagawa ng operasyon ang militar laban sa magkatunggaling grupo.

Ayon naman kay Cabunoc, ang dalawang MILF commanders ay mga dating miyembro ng tinaguriang Pentagon kidnap for ransom gang na nagpamiyembro sa MILF nang mamatay ang kanilang lider na si Tahir Alonto.          EUNICE C.

Comments are closed.