100 STUDES NABU-BULLY ARAW-ARAW

NANAWAGAN si Senador Sonny Angara sa Department on Education (DepEd) na tiyaking ang lahat ng paaralang pang-kinder, elementary at high school sa bansa, pampubliko man o pribado ay may mga ipinatutupad na programang lumulutas sa lahat ng kaso ng bullying.

Reaksiyon ito ng senador kaugnay ng pinakahuling datos mula sa DepEd na nagpapakitang mula 2016 hanggang 2017, umaabot na sa 19,672 kaso ng bullying ang naitatala ng ahensiya.

Ibig sabihin, sa loob ng 202 school days, 97 bullying cases ang nangyayari sa mga paaralan kada araw.

“Halos isandaang kaso ng pambu-bully kada araw ang naitala ng DepEd, at posibleng ma­rami pa ang hindi naire-report dahil sa takot, hiya o pag-aalinlangan ng mga biktima ng bullying. Isa ang bullying sa mga numero unong suliranin ng mga mag-aaral at dapat, gawin natin ang lahat upang matigil na ang paglala nito sa mga paaralan,” ani Angara, pangunahing awtor ng Anti-Bullying Act of 2013 o ang Republic Act 10627.

“Itinulak natin ang Anti-Bullying Law para masiguro ang kaligtasan ng mga bata at para maiwasan ang mga insidente ng bullying sa paaralan,” dagdag pa ng senador na nanguna sa pagsusulong ng natu­rang batas dahil maging ang kanyang panganay na anak ay biktima ng bullying sa kanyang paaralan.

Inaatasan ng Anti-Bullying Law ang lahat ng paaralang pampribado at pampubliko sa buong bansa na ipatupad ang  mga polisiyang nakapaloob dito.

Sa ilalim ng naturang batas ang pambu-bully ay klasipikado sa mga sumusunod: (1) panununtok, paninipa at pananampal; (2) pananakit sa damdamin ng isang indibidwal; (3) pangbibintang,  at pagmumura; (4) gender-based bullying (o pag-bully sa isang tao na bakla o tomboy); at (5) cyber-bullying.

Anumang insidente ng bullying ay dapat na agad ipaalam sa pinuno ng paaralan na siyang dapat maunang magparating ng insidente sa tagapa­ngalaga o sa mga magulang ng biktima.

Maaari ring aksiyonan ng school head ang anumang bullying incident sa pamamagitan ng reprimand letter, community service, suspensiyon sa paaralan o kung lubhang mabigat na kaso, maaaring patalsikin o palayasin sa paaralan ang estudyanteng bully.  VICKY CERVALES

 

Comments are closed.