100 TSERMAN SA MAYNILA POSIBLENG MASUSPINDE

Martin Diño

INIHAYAG kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may 100 barangay chairmen sa Maynila ang posibleng masuspinde sa kabiguang matugunan ang 60-day deadline para linisin ang mga obstruction sa mga lansangan sa kanilang nasasakupan.

Nabatid na mahigit sa 100 kapitan ng barangay sa Lungsod ng Maynila ang nabigong makasunod sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo Año  nanag magsagawa ng clearing operation sa mga lansangan at bangketa saklaw ng kanilang nasasakupan matapos ang  60 days ultimatum ng Interior secretary.

Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño, sa susunod na 72 oras  ay padadalhan nila ng show cause order ang mahigit 100 kapitan ng barangay.

Dagdag pa nito, suspensiyon ang kasunod kapag mabigong makapagpaliwanag kung bakit hindi sila nakasunod sa kautusan bukod pa sa sasampahan ang mga ito ng reklamo sa Office of the Ombudsman at sususpendihin ng DILG.

Lumalabas sa isinagawang assessment,  napakaraming kapitan sa Lungsod ng Maynila na walang ginawa at hindi sumunod sa clearing ope­rations sa  kanilang nasasakupan.

Kabilang sa mga paglabag o hindi pagtupad sa tungkulin ay ang  hindi pag-alis ng mga ile­gal na nakaparada at illegal vendors at iba pang mga road and sidewalk obstructions.

Pahayag pa ni Diño , sa sandaling mapatawan ng suspensiyon ang isang kapitan ng barangay ay papalitan ito ng first kagawad sa kanyang puwesto.

Samantala, sinabi ni Diño na kung ang mga alkalde naman ang matutuklasang hindi sumunod sa pagsasagawa ng clearing operations, si Interior and Local  Government Secretary Eduardo Año ang magsusumite sa Office of the President ng listahan ng mga ‘non compliant’ mayors. VERLIN RUIZ

Comments are closed.