100% WORK-SITE CAPACITY IPINATUPAD NA NG IMMIGRATION

INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) na ipatutupad na nila ang 100 percent na kapasidad sa kanilang mga trabaho sa lahat ng kanilang tanggapan sa National Capital Region (NCR) simula kahapon.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ang pagbabago sa kanilang bagong work scheme ay bilang pagtupad sa desisyon ng gobyerno na ibinaba sa alert 1 ang COVID-19 alert status sa Metropolis at 38 na iba pang areas sa buong bansa.

Subalit, paliwanag ni Morente na pinapairal pa rin ang strict health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing sa lahat ng opisyal at empleyado.

Sinabi rin nito na ang mga bakunado ay maaari nang pumasok sa kanilang mga tanggapan habang ang mga hindi bakunado o partially vaccinated ay kinakailangan pa ring kumuha ng online appointment system.

Ang working hours ay mula alas-7 ng umaga hangang ala-5:30 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes bukod kung holidays.

Habang ang kanilang ibang tanggapan kung saan nasa ibang alert status, mananatili silang susunod sa kasalukuyang on-site work capacities.

Sa isang hiwalay na memorandum sa mga empleyado, hindi na rin sila magpapatupad ng work-from-home para sa kanilang mga empleyado at oobligahin na silang mag-report sa trabaho, anuman ang kanilang edad o comorbidities.

“As we transition to the new normal, the public can be assured that the services of the BI will remain unhampered,” ayon kay Morente. PAUL ROLDAN