CEBU – UMAKYAT sa general alarm ang malaking sunog na tumupok sa isang residential area na sumasaklaw sa dalawang barangay sa Mandaue City, bago tuluyang naapula kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, tinatayang nasa 500 hanggang sa isang libong kabahayan ang natupok sa sunog na nagsimula bandang ala-1 ng madaling araw.
Tinatayang nasa 1,200 pamilya na naninirahan sa Sitio Basubas at Sitio Maharlika sa Barangay Tipolo ang nawalan ng tirahan sa walong oras na sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nadamay sa sunog ang 5 silid-aralan ng Tipolo National High School, dahilan para suspendihin ang klase roon.
Unang napaulat na may tatlong bata ang nawawala at pinangambahang na-trap sa loob ng kanilang bahay sa kasagsagan ng sunog.
Subalit matapos na ideklarang fire out ng BFP at fire under control na ang sunog ay natagpuang ligtas ang mga nawawalang bata na inilikas ng kanilang kapitbahay.
Naapula ang apoy pasado alas-9 ng umaga.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at total na halaga ng pinsalang idinulot ng sunog. VERLIN RUIZ