ISABELA – ISANG kautusan mula kay Governor Rodolfo ‘’Rodito’’Albano na magpadala ng tulong sa mga biktima ng pag-alboroto ng Taal Volcano sa Batangas.
Isang trailer truck na mula sa provincial government ng Isabela lulan ang 1,000 sako ng bigas kasama ang mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Isabela.
Ang isang libong kabang bigas ay bumiyahe para maitulong sa libong mamamayan ng lalawigan ng Batangas at Tagaytay City, na kasalukuyang nasa mga evacuation center.
Ayon kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng provincial government ng Isabela na napagpasiyahan ni Gov. Rodito Albano na sa halip na karagdagang puwersa ng rescue teams, water purifier at relief packs ay kaban-kabang bigas na lamang ang ipadala bilang tulong sa mga apektado sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Ito ay alinsunod na rin sa ipinadalang kahilingan ng mga opisyal ng lalawigan ng Batangas at Tagaytay City.
Aniya, 500 kabang bigas ay ipagkakaloob sa lalawigan ng Batangas habang ang nalalabing 500 kaban ay para sa Tagaytay City.
Batay umano sa ipinabatid ng provincial government ng Batangas sa halip na bigyan ng kanya-kanyang family packs ang mga evacuees ay mismong ang local government unit ng bawat evecuation centers ang magluluto ng pagkain para sa kanila. IRENE GONZALES
Comments are closed.