10,000 FREE WI-FI SPOTS TARGET NG DICT SA 2020

FREE WI-FI-3

TARGET ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na makapaglagay ng 10,000 free wi-fi spots sa iba’t ibang panig ng bansa sa susunod na taon.

Ayon kay DICT Usec. Eliseo Rio, ito ay bahagi pa rin ng Vision 2020 na mandato ng kagawaran na ma­bigyan ng free access sa internet ang mga pampublikong lugar.

Sa panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi ni Rio na mayroon na silang naipa­lagay na halos 6,000 spots at 4,000 rito ay naisaayos at gumagana na.

Naniniwala ang opisyal na bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kanilang maka-kamit ang planong 50,000 free wi-fi spots sa buong bansa kaalinsabay na rin ng National Broadband Plan ng pamaha-laan na  mai-connect ang mga barangay sa malalayong munisipalidad at mayroon pa, aniya, silang tatlong taon para asikasuhin ang mga ito.

Tiwala rin si Rio na kapag tuluyang natapos ang kanilang proyekto gaya ng government portal ay tiyak na mas mapadadali ang lahat ng basic services ng gobyerno online mula sa pagproseso ng passport ap-plications, police o NBI clearance, pagbayad ng tax at iba pang mahahalagang dokumento.

“Bago pa man magtapos ang termino ng Pangulo ay mararamdaman na ang mala­king improvement sa telecommunications sa ating bansa,” pahayag ni Rio.

Idinagdag pa niya na darating na rin ang broadbancd connectivity sa Facebook kung saan magkakaroon ng tinatawag na cable landing stations na kauna-unahan sa bansa na ilalagay sa Baler at Poro Point kung saan doon padadaanin ang 2 Terabytes ng Facebook at kontrolado ito ng pamahalaan. BENEDICT ABAYGAR, JR.