100K PINOY ABROAD NATULUNGANG MAKAUWI NG GOBYERNO

malakanyang

UMABOT na sa mahigit 100,000 overseas Filipinos ang natulungan ng pamahalaan na makabalik sa bansa dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19) na  kasalukuyang nararanasan sa buong mundo.

Sa  pinakahuling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), may karagdagang 12.022  Pinoy abroad ang nakauwi sa bansa kaya 102,519 na  ang  kabuuang repatriated Filipinos sa loob lamang ng limang buwan.

Sa  102,519 overseas Filipinos (OFs) repatriated simula noong Pebrero,  42.8 percent (43,893 OFs) ay sea-based at  57.2 percent (58,626 OFs) ang land-based.

Ang pinakahuling na-repatriate  kahapon ay mula sa Netherlands, New Zealand, Qatar, Saudi Arabia, UAE, at USA.

Patuloy naman na tumutulong ang DFA para makauwi sa bansa ang stranded  OFs  mula sa iba’t ibang bansa dahil sa epekto ng COVID-19 lockdown at travel res­trictions.

Sa nasabing bilang  ay 8,895 ang mula sa Middle East, 1,806 mula sa Asia-Pacific, 677 mula sa Europe at 644  mula sa America.

Sa nasabing bilang ng repatriates na 1,400 na mula sa Malaysia, Qatar, at Saudi Arabia, ay isinakay sa apat na DFA-chartered flights, na binayaran ng Assistance-to-Nationals Fund.

Natulungan din ng DFA na makauwi sa bansa ang unang repatriation flight mula sa New Zealand  na  may 270 overseas Filipinos at karamihan sa mga ito ay senior citizens

Naging matagumpay rin ang DFA sa pagpapauwi  sa 111 Filipinos mula Fujian, China.

Ang mga nasabing stranded seafarers ay mula sa iba’t ibang Chinese vessels.

Ang DFA, sa pakikipagtulungan ng Philippine  embassies and consulates, ay patuloy na tumutulong para sa pagpapauwi sa mga kababayan natin na nasa iba’t ibang bansa na naapektuhan ng pandemya. LIZA SORIANO

Comments are closed.