SINABI ng Bureau Of Jail Management and Penology (BJMP) na sa 100,000 preso na pinalaya, may 27,000 dito ang muling nahuli at nakulong.
Sa datos na inilabas ng BJMP kasabay ng paglalatag ng kanilang dalawang makabagong proseso para tugunan ang mga siksikan na mga piitan, ang muling pagkakasala ng mga pinalayang inmates at iba pang mahahalagang isyu sa loob ng mga kulungan sa Pilipinas sa ginanap na public revalida kasama ang Institute for Solidarity in Asia (ISA).
Sinimulan ng BJMP ang pagtahak sa PGS noong Abril 2023 at ipinosisyon ang kawanihan upang “matugunan ang mga pambansang pamantayan, at holistic na pamamahala ng kulungan na ginagabayan ng mga pinakamahusay na pandaigdigang sistema.
Ayon ky BJMP Chief Dir Ruel Rivera, halos 100,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang muling naisama sa lipunan noong nakaraang taon, habang mahigit 27,000 ang naging re-offenders batay sa populasyon ng bilangguan noong 2022.
Tinukoy ni Rivera ang kakulangan ng tamang assessment at pangangalaga ng mga PDL mula sa kulungan hanggang sa kanilang pagbabalik sa mga komunidad ang nakikitang pagkukulang para higit pang mapataas ang kalidad ng serbisyo ng BJMP.
“In response to the growing public demand for accountability and service growth, we have thus redefined our Bureau’s core services into four: classification, safekeeping, development, and reintegration,” paliwanag ni Rivera patungkol din sa kanilang mga binalangkas na makabagong estratehiya upang matugunan ng mga kakulangan.
Nabatid na nasungkit ng BJMP ang Gold Trailblazer Award at iginawad ang Initiation Status sa ilalim ng framework ng good governance ng ISA at Performance Governance System (PGS).
Ang public revalida ay isang demokratikong ehersisyo na nagpapatunay sa pagkumpleto ng mga pampublikong institusyon sa apat na yugto ng PGS.
At kabilang sa mga naka-enroll na institusyon ang Armed Forces of the Philippines at Department of Health, bukod pa sa BJMP.
Pinangunahan ni Rivera, nanunungkulan bilang acting chief ng BJMP simula noong Marso 2023 ang isinagawang revalida.
Pinuri naman ng dating BJMP Chief at revalida panelist na si JDir Allan S. Iral (Ret) ang Bureau sa pagkamit ng mga makabuluhang milestone sa loob lamang ng maikling panahon.
“Looking at the presentation of Chief Rivera, in the few months na OIC siya ng Bureau, napakalaki na ng achievements na nagawa ng BJMP. Mayroong malakas na buy-in mula sa nangungunang pamamahala. Sana, magtuloy-tuloy itong PGS journey ng Bureau,” ani Iral. VERLIN RUIZ