MAHIGIT 100,000 local at overseas employment opportunities ang iaalok sa Araw ng Kalayaan job fairs na isasagawa sa 43 sites sa buong bansa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga job seeker ay inaanyayahang bumisita sa pinakamalapit na job fair site sa kanilang lugar at samantalahin ang 106,298 local vacancies at 5,165 overseas vacancies na iaalok ng mahigit 1,000 employers.
Ang top vacancies ay production worker/operator; customer service representative; cashier, bagger, sales clerk; laborer, carpenter, painter; and service crew, cook, waiter at server.
Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng vacancies at participating employers sa mga darating na araw.
Ayon sa DOLE, karamihan sa job fairs ay isasagawa sa malls para sa kaginhawaan ng mga aplikante at employer
Kabilang sa mga tinukoy na job fair sites ang SM Grand Central (Caloocan City); SM Center Las Piñas at Robinsons Place (Las Piñas); SM Megamall (Mandaluyong); SM City Manila (Manila); SM City Marikina (Marikina); Parañaque City Social Hall at Sports Complex (Parañaque City); SM Mall of Asia (Pasay City); SM East Ortigas (Pasig City); SM Fairview (Quezon City); at Vista Mall (Taguig City).
Pinapayuhan ang mga job seeker na ihanda ang kanilang application requirements, tulad ng resume o curriculum vitae, diploma, transcript of records, at certificate of employment para sa mga dating may trabaho.
Isang one-stop-shop ng government services ang ihahanda rin para sa mga job seeker. Ang mga nais iproseso ang kanilang pre-employment documents ay maaaring mag-avail ng serbisyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine National Police (PNP), Philippine Postal Corporation (PhilPost), Philippine Statistics Authority (PSA), Professional Regulation Commission (PRC), at Social Security System (SSS).
Ang DOLE ay magsasagawa ng job fairs sa buong rehiyon bilang pagdiriwang sa ika-126 anibersaryo ng Philippine Independence sa Hunyo 12.