101 KATAO SUGATAN SA ILEGAL NA PAPUTOK

BAGO ang pagsalubong sa Bagong Taon, pumalo na sa 101 katao ang nasu­gatan dahil umano sa ilegal na paputok, ayon sa Department of Health (DOH).

Mas malaki ito ng 32 kumpara sa dating 69 na kaso na naitala nitong Disyembre 22 hanggang 26, 2024.

Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, ang pinakasanhi ng mga fireworks-rela­ted injuries ay mga iligal na paputok kabilang ang boga, 5-star, Piccolo at kuwitis.

“December 27, may naitala na tayo na 101 fireworks-related injuries nationwide. Ang mga datos pong ito ay nanggagaling sa mga sentinel hospitals natin nationwide at kung atin pong titingnan kada rehiyon in descending order/pababa sa bilang, ang pinakamataas po iyong Metro Manila/NCR; sumunod po ang ating Central Luzon/Region iii; followed by Cagayan Valley/Region II top three po iyon; top four is ang ating Western Visayas/Region VI; and then, ang top five dalawang rehiyon po ang naka-tie doonang ating Ilocos Region i and ang ating Central Visayas,” ayon kay Domingo.

Dahil dito, patuloy ang paalala ng DOH lalo na sa mga kabataan na madalas  maging biktima na huwag gumamit ng mga iligal na paputok at huwag ng magpaputok sa bagong taon.

Tinukoy naman ang masamang epekto ng paputok sa kalusugan gaya ng pagkamatay sa malubhang kaso ng fireworks related injuries, pagkaputol ng mga daliri, kamay o iba pang bahagi ng katawan, pagkabulag dahil sa sugat o matinding iritasyon sa mga mata,  pagkabingi dahil sa lakas ng pagsabog ng mga paputok na nakakaapekto sa pandinig, permanenteng sakit sa baga at iba pang organs dulot ng lead, sulfur dioxide, carbon dioxide, at carbon monoxide,

pagkalason dahil sa pagkain o paglunok ng paputok o anumang bahagi nito,  pagkapaso o sunog sa balat na maa­aring magdulot ng permanenteng peklat o damage sa parte ng katawan.

Paliwanag ng DOH na may masamang epekto ang mga paputok sa kalusugan ng tao.

EUNICE CELARIO