101 LGUs BIGONG MAGBAKBAK NG SAGABAL SA KALSADA

Jonathan Malaya

NASA mahigit 100 local government units (LGUs) ang pinadalhan ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa kabiguang makatugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng road and sidewalk clearing operations.

Ayon kay DILG spokesperson, Undersecretary Jonathan Malaya, lumabas ang nasabing bilang matapos ang isi­nagawa nilang assessment base sa isinumiteng accomplishment reports ng 1,516 LGUs.

Ito ay kasunod ng 60 days deadline na ibinaba ng DILG sa lahat ng LGU’s para makatugon sa road clearing at pag aalis ng mga obstruction sa mga bangketa.

Samantala, inihayag din ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na mayroon din silang ipalalabas na show cause orders sa 99 mga opisyal ng barangay sa Maynila dahil sa kabiguang makatugon sa direktiba ng DILG.

Matapos ang evaluation ng DILG, lumalabas na may naitalang  22 percent na pagtaas sa mga “low-compliant” na LGUs habang 28 percent sa “medium-compliant”.

Bago ang inilabas na show cause order, ay idineklara ng DILG na tuloy-tuloy ang road and pavement clearing ope­ration at ginawa na ng kagawaran na quarterly ang kanilang gagawing evaluation para matiyak na patuloy ang compliance ng LGUs.

Nabatid na aantabayanan ng DILG ang magiging tugon at paliwanag ng mga lokal na opisyal kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaparusahan dahil sa non-compliance sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. VERLIN RUIZ/                PAULA ANTOLIN

Comments are closed.