103 KABATAANG BULAKENYO, NAKINABANG SA SPES NG BULACAN AT DOLE

LUNGSOD NG MALOLOS – May 103 kabataang Bulakenyo ang pinalad na magkaroon ng pansamantalang hanapbuhay upang makaipon ng pantustos sa eskuwela sa  pamamagitan ng  Special Program for Employment of Student (SPES) ng Pamahalaang  Panlalawigan ng Bulacan at Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsimula noong Abril 2018.

Layunin ng nasabing programa na matulu­ngan ang mga mahihirap ngunit karapatdapat na mga kabataan na may edad 15-25 taong gulang kabilang na ang mga out-of-school youth at mga anak ng displaced workers sa bansa o sa ibayong dagat.

Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, “isang magandang oportunidad ang SPES para sa mga kabataang Bulakenyo sapagkat hindi lamang sila nagkakaroon ng karagdagang kita, nadaragdagan din ang kanilang kaalaman at karanasan sa larangan ng paghahanapbuhay.”

Tumagal ang nasabing summer job sa loob ng 20 araw sa Pamahalaang Panlalawigan, 30 araw sa mga pribadong kompanya at 78 araw sa dalawang fastfood chain companies.

Dagdag pa ni Jennifer R. Duca, focal person ng SPES mula sa Provincial Youth, Sports, Public Employment Service Office, ang mga benepisyaryo ng SPES ay tumanggap ng ‘suweldo’ kung saan 60 porsiyento ay mula sa tanggapang kanilang pinaglingkuran habang ang 40 porsiyento naman ay mula sa DOLE.

Aniya, may kabuuang 2,442 kabataang Bulakenyo ang nakinabang sa nasabing programa na ipinatupad ng mga PESO sa iba’t ibang munisipalidad sa Bulacan nitong nakaraang bakasyon.

Tinatayang 25 taon nang isinasagawa ang programang ito na nagsimula pa noong taong 1993 sa inisyatiba ng DOLE. A. BORLONGAN

Comments are closed.