103 PULIS NADAGDAG SA MAY-COVID

INAASAHANG madaragdagan pa ang nasa 103 na bagong napaulat na mga pulis na tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa datos ng Philippine National Police (PNP) Health Service hanggang ala- 6 ng Lunes kamakalawa ng gabi, 12,343 na ang confirmed COVID-19 cases sa hanay ng pambansang pulisya.

Sa nasabing bilang, 918 ang aktibo pang kaso habang nasa 74 namang pulis ang gumaling sa nakakahawang sakit.

Dahil dito, 11,391 na ang total recoveries sa hanay ng PNP sa naturang sakit.

Isa naman ang napaulat na nasawi sa PNP dahil sa COVID-19 kaya’t umakyat na sa 34 ang COVID-19 related deaths sa pambansang pulisya.

Inaasahang tataas pa ang nasabing bilang dahil patuloy na sumasabak ang mga pulis bilang mga frontliner ngayong muling sumirit ang kaso ng COVID-19 sa Kalakhang Maynila kung saan isang buong presinto sa lungsod ng ang naka-lockdown.

Inutos na i-lockdown ang buong Station 11 ng Manila Police District sa Binondo matapos magpositibo ang 46 pulis nito.

Iniulat kay Manila Mayor Isko Moreno ni MPD director Police Brig. Gen. Leo Francisco na ilalagay sa special quarantine ang Station 11 at suspendido ang lahat ng aktibidad sa naturang istasyon.

Ang pagkakasakit ng 46 pulis ay nadiskubre nang lumabas ang resulta ng swab test ng 121 pulis ng istasyon.

Nabatid na may mga pulis na hinihintay pa ang resulta ng kanilang swab test at sila ay naka-quarantine na sa police community precints (PCPs).

Samantala, ang mga negatibo naman sa sakit ay magpapatuloy sa kanilang mga duty, samantalang may ibang pulis na itatalaga kapalit ng mga maysakit nilang kasamahan. VERLIN RUIZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *