1,043 PANG JEEPS BALIK BIYAHE, 8 BAGONG RUTA BUBUKSAN NGAYON SA METRO MANILA

JEEPNEY-3

BUBUKSAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang marami pang ruta para sa mahigit 1,000 traditional jeepneys sa Metro Manila.

Sa Memorandum Circular 2020-073 na inisyu nito noong Nobyembre 16, inaprubahan ng LTFRB ang pagbubukas ng walo pang ruta sa Metro Manila para sa 1,043 units ng traditional public utility jeepneys (PUJs) simula ngayong araw, Nobyembre 18.

Dahil dito, umabot na sa 386 ang kabuuang bilang ng traditional PUJ routes na binuksan ng LTFRB para sa 35,022 units magmula nang isailalim ang Metro Manila sa  general community quarantine noong Hunyo  1.

Ang mga ruta na bubuksan simula ngayon ay ang mga sumusunod:

  • T181 Evergreen Subdivision – Bagong Silang/Evergreen Subdivision – Philcoa • T3189 MCU – Recto via F. Huetias, Oroquieta • T3190 Pier South – Project 6 via España • T3191 Pier South – Project 8 via Quezon Ave. • T3192 Project 6 – T.M. Kalaw via Quezon Ave. • T3193 Project6-Vito Cruz via Quezon Ave. • T3194 Project 8 – Quiapo via Roosevelt Ave. • T3195 Project 8 – T.M. Kalaw via Quezon Ave.

Ayon sa LTFRB, maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.

“Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Mada-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB,” sabi pa ng ahensiya.

Muling ipinaalala ng ahensiya na walang magiging pagtaas sa pasahe sa traditional jeepneys.

Bukod sa  traditional jeepneys, binuksan din ng LTFRB ang 48 modern jeepney routes para sa 865 units, 34 point-to-point bus routes para sa 390 units, at 4,499 units ng public utility buses.

Binuksan din ng LTFRB ang 118 UV Express routes para sa 6,755 units, authorized 21,436 taxis, at 25,068 transport network vehicles services, gayundin ang 27 provincial bus routes para sa 680 units at dalawang ruta para sa Modern UV Express para sa 40 units.

Comments are closed.