PUMALO na 104,845 pulis ang tumanggap na ng booster shot laban sa COVID-19.
Nangangahulugan ito na dobleng proteksyon laban sa COVID-19 ang taglay ng nasabing bilang ng pulis habang umaasa ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na tuluyan nang makamit ang full protection lalo na’t 265 na lamang ang aktibong kaso nito kasunog ng recoveries ng 29 pulis hanggang Pebrero 13.
Ayon sa PNP-Health Service, lumiit sa walo mula sa dating dalawang digits ang bagong infected na pulis sa COVID-19.
Sa pinakahuling datos, umabot na sa 48,729 ang kabuuang kaso ng coronavirus disease sa police force simula nang ideklara ng World Health Organization (WHO) ang pandemya noong Marso 11.
Sa kabuan, naiatala ng PNP ang 48,336 recoveries habang nananatili sa 128 ang nasawi sa nasabing sakit na ang pinakahuli ay isang Cotabato cop noong Pebrero 11.
Samantala, umabot na sa 219,480 pulis ang fully vaccinated; 4,595 ang naghihintay pa ng ikalawang dose habang 800 pa ang hindi nababakunahan.
Ang 406 unvaxxed ay mayroong medical condition habang ang 394 pulis ay hesitant pa rin o may sariling paniniwala laban sa COVID-19 vaccines. EUNICE CELARIO