SA patuloy na pagtutulungan ng Philippine Red Cross (PRC) at Department of Budget and Management (DBM), ito ay nakakolekta ng kabuuang 1,067 yunit ng dugo sa loob ng unang limang buwan ng pagpapatupad ng kanilang “Dugtong Buhay Movement” ngayong taon.
Pinakahuling isinagawa ang ika-limang bloodletting program sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines Manila (UPM) – Philippine General Hospital (PGH) sa Ermita, Maynila.
Mahigit 150 yunit ng dugo ang nakolekta mula sa mga donor na kinabibilangan ng mga guro at kawani ng UPM, mga tauhan ng PGH at mga boluntaryo mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Lubos na pinasalamatan ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang si DBM Secretary Amenah Pangandaman sa kanyang aktibong pamumuno at dedikasyon sa inisyatibang ito.
Samantala, pinuri rin ni PRC Chairman at CEO Dick Gordon ang kabutihang loob ng mga blood donors lalo na ang mga unipormadong tauhan mula sa PCG, PNP, BJMP maging ang Philippine Air Force at Philippine Navy.
RUBEN FUENTES