MAYROONG 108 preso mula sa kulungan at penal farms sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pinalaya isang araw bago ang Pasko.
Dahil dito, umabot na sa 1,093 ang kabuuang bilang ng PDLs ang napalaya kabilang ang 985 preso pinalaya nitong nakaraang Miyerkules.
Sinabi ni BuCor chief Gregorio Catapang Jr. na lumampas ang bilang sa 1,000 preso na inaasahang palalayain ng ahensya.
“Isang magandang regalo sa Pasko para sa mga preso at kanilang mga pamilya na magkasamang magdiriwang ng Kapaskuhan. Ang target number of releases namin ngayong December ay 1,000, pero nalampasan namin iyon,” ani Catapang.
Gayundin, may karagdagang 200 pang bilanggo ang nakatakdang palayain bago matapos ang taon.
Ang pagpapalaya sa mga preso ay bahagi ng programang “Bilis Laya” na ipinatupad ng BuCor sa mga napawalang-sala, nakalaya sa probation o parole o nakapagsilbi sa kanilang minimum o maximum na sentensiya.
EVELYN GARCIA