HINIKAYAT ng ride-hailing service Grab Philippines ang 5,000 deactivated transport network vehicle services (TNVS) accounts na samantalahin ang 10,000 bagong slots na binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Grab Philippines spokesperson Nicka Hosaka, may 3,000 TNVS mula sa 8,000 TNVS na nakatakdang i-deactivate noong nakaraang linggo ang nakaligtas nang makapagsumite sila ng mga kaukulang dokumento.
Ang 5,000 accounts na na-deactivate ay hinihikayat na muling mag-apply para sa 10,000 bagong slots na binuksan ng LTFRB upang punan ang 65,000 TNVS supply cap.
Sinabi ni Hosaka na sa kasalukuyan ay may 45,000 active TNVS drivers sa kanilang system.
“Sana itong 5,000 they took advantage of 10,000 new slots… We’re hoping na itong mga walang prangkisa sila po ay makapag-sign up para naman magkaroon na sila ng proper documentation,” dagdag pa niya.
Paliwanag pa ng Grab, mula noong Enero ay umabot na sa 15,000 TNVS ang kanilang na-deactivate dahil sa ilang mga kaso at kabiguang mag-sumite ng kaukulang documentation.
Inamin rin ng Grab na pangunahing resulta ng mabagal na pag-book ng mga pasahero ay ang kakulangan ng mga sasakyan mula sa kanilang hanay.
Nauna nang inanunsiyo ng Grab Philippines na ide-deactivate nila ang may 8,000 TNVS noong Hunyo 10 dahil sa kabiguang magsumite ng katibayan ng provisional authority para mag-operate mula sa LTFRB.
Comments are closed.