10K DOSES NG ASF VACCINES DARATING NA

DARATING na bukas ang 10,000 doses ng African swine fever (ASF) AVAC live vaccines para sa Batangas sa ilalim ng emergency procurement, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito ay makaraang ideklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang state of calamity sa buong lalawigan dahil sa epekto ng ASF outbreak sa walong lugar na kinabibilangan ng Calatagan, Lian, Lipa City, Lobo, Rosario, San Juan, Talisay, at Tuy.

“This Friday, darating na iyong 10,000 (doses). We are expecting next week, start na iyong controlled vaccination dito sa Batangas under the emergency procurement,” wika ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa.

“This Friday din magpupulong na iyong Bureau of Animal Industry (BAI) with the industry stakeholders sa Batangas para una, malaman kung sino iyong magbo-volunteer na magpa-participate sa controlled vaccinations pa rin,” aniya.

Inanunsiyo rin ni De Mesa ang paglikha ng isang independent technical advisory group upang i-assess ang progreso, pagpapatuloy, at paghinto ng government-controlled vaccinations sa buong bansa.

“These are independent scientists, academicians, veterinarians, Philippine College of Swine Practitioners (PCSP), veterinary universities and swine practitioners na walang kinalaman sa bakuna, sa industriya,” aniya.

Ang advisory group ay inaasahang maglalabas ng rekomendasyon kapwa sa Department of Agriculture (DA) at Food and Drug Administration (FDA) base sa progreso ng government-controlled vaccinations.

Samantala, naglagay ang BAI ng walong inspection points sa Metro Manila, Cavite, Laguna, at Batangas bilang bahagi ng pinaigting na biosecurity measures nito laban sa ASF at avian influenza (AI).

Ang mga ito ay nasa Commonwealth, Mindanao Avenue, Tandang Sora, at Edsa Balintawak sa Quezon City; Marulas at Malanday sa Valenzuela City; animal quarantine checkpoint sa Brgy. Turbina, Calamba, Laguna; Star Tollway, Sto.Tomas sa Batangas; at Alfonso animal quarantine checkpoint sa Brgy Amuyong, Alfonso, Cavite.

Ang checkpoints ay mag-o-operate hanggang sa katapusan ng taon.

“Iyong mga checkpoints na ito ay from North and South. Iyong mga galing South papuntang North kasi ngayon, mayroon tayong repopulation program sa Central Luzon, most especially Bulacan and Pampanga areas,” sabi ni De Mesa.

“We don’t want to compromise iyong ating repopulation program sa areas na ito coming from Southern Luzon,” dagdag pa niya, patungkol sa infected zones sa Calabarzon.