10K FOOD PACKS INIHANDA NG DSWD SA TS GORING

INIHANDA na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Cagayan Valley regional office ang humigit-kumulang na 10,000 family food packs (FFPs) sa isla ng Batanes na nasa ilalim ngayon ng direktang landas ng Tropical Storm (TS) Goring.

Ayon kay DSWD Field Office-2 (Cagayan Valley) Regional Director Lucia Alan may kabuuang 9,778 FFPs ang na-preposition sa Batanes na pinaghiwa-hiwalay tulad ng sumusunod: Basco – 1,306 FFPs; Itbayat- 1,322; Ivana-1,100; Mahatao- 1,094; Sabtang- 1,203; at Uyugan- 1,167 para sa kabuuang 7,700 FFPs.

May mga karagdagang 2,078 food packs din ang ipinadala sa Batanes provincial capitol, ayon kay Regional Director Alan.

Bahagyang tumindi ang TS Goring (International Name: Saola) malapit sa Batanes Biyernes (Agosto 25) ng umaga dahil ang isa pang bagyo (Tropical Storm Damrey) ay namataan malapit sa Philippine area of responsibility ng PAGASA.

Alas-4 ng madaling araw ng Biyernes, tinataya ng PAGASA si Goring sa layong 220 km silangan timog-silangan ng Basco, Batanes na may lakas na hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kph.

Samantala, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No.1 sa Batanes; ang silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is.); ang silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca); at ang hilagang-silangan na bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan).

Iniulat din ni Regional Director Alan sa Disaster Response and Management Group (DRMG) na ang FO-2 ay naglagay din ng mga FFP sa lalawigan ng Isabela na coastal municipalities ng Divilacan na may 1,000 kahon ng FFP; Maconacon na may 154; at Palanan na may 500.
Dagdag na 1,246 food packs ang ipinadala rin sa pamamagitan ng bangka patungong Isabela province.

“Para sa Calayan Island, mayroon kaming prepositioned 2,900 FFPs habang 150 FFPs ang ipinadala sa Barangay Fuga ng Aparri, Cagayan,” iniulat ni Director Alan.

Ayon sa PAGASA, ang TS Goring ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR ), at Ilocos Region, na maaaring magdulot ng posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian nitong Huwebes ang mga concerned DSWD regional director na dagdagan ang kanilang stockpile ng food packs bilang paghahanda kay TS Goring.
PAULA ANTOLIN