10K HOUSING PROJECT SA CLARK CITY TARGET NG BCDA

TARLAC -TARGET ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na makapagtayo ng 10,000 housing unit sa ilalim ng Pambansang Pabahay program ng gobyerno.

Inihayag ni BCDA President and Chief Executive Officer Joshua Bingcang, plano nilang ilagay ang libo libong pabahay sa Clark City.

Nabatid na nakikipag kasundo ang BCDA sa isang malaking local developer para itayo ang unang 10,000 units ng pabahay.

Ang 10,000 units sa ilalim ng 4PH Program ay planong itayo sa isang 100-ektaryang lupain sa loob ng New Clark City na isang flagship development ng BCDA sa Bamban, Tarlac.

Kaugnay nito , inihayag ni Bingcang na nakikipagtulungan sila sa Kongreso para sa appropriation ng target na pagtatayuan para sa 4PH Program mula sa isang leasehold hanggang sa isang freehold arrangement.

Ito ay magbibigay-daan sa mga benepisyaryo ng 4PH na magmay-ari ng lupa sa halip na magkaroon lamang ng karapatang sakupin ang lupain sa loob ng ilang taon.
VERLIN RUIZ