UMAABOT sa mahigit 10,000 indibidwal ang sapilitang inilikas ng Quezon City Government dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng.
Batay sa datos na inilabas ng Quezon City Government, hanggang kahapon alas-10 ng umaga ay nasa 2,688 na pamilya o 10,269 na indibidwal ang isinailalim sa forced evacuation.
“Bilang pag-iingat sa Bagyong #PaengPH, nagpatupad ng preemptive / forced evacuation sa mga piling lugar na bahain o may banta ng landslide para sa ligtas at mabilis na evacuation ng 2,688 na pamilya o 10,269 na indibidwal sa ating lungsod,” anang QC government.
Sa naturang bilang, 114 pamilya o 362 indibidwal ang nasa limang evacuation center mula sa District 1.
Nasa 1,585 pamilya naman o 6,191 indibidwal ang nasa 20 evacuation center sa District 2.
Nasa 102 pamilya o 309 indibidwal naman ang nasa tatlong evacuation center sa District 3.
Nasa 741 pamilya naman o 2,892 indibidwal ang nasa walong evacuation center sa District 4.
Wala namang inilikas sa District 5 habang 146 pamilya o 515 indibidwal ang nasa tatlong evacuation center sa District 6.
“Ayon sa pinakahuling update mula sa PAGASA, ibinaba na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Metro Manila,” anunsiyo pa ng city government.
Kaugnay nito, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayang nangangailangan ng tulong o mayroong emergency, na tumawag sa: Quezon City Emergency Hotline: 122.
Maaari rin umanong tumawag sa Emergency Operations Center sa 0977-031-2892 (Globe), 0947-885-9929 (Smart), at 8-988-4242 local 7245.
Para naman sa Emergency Medical Services / Search and Rescue, maaaring tumawag sa 0947-884-7498 (Smart) at 8-928-4396. EVELYN GARCIA