PAGKAKALOOBAN ng emergency jobs ang mga residente mula sa typhoon-hit areas ng Cagayan at Isa- bela upang makabangon sila mula sa epekto ng bagyong Ulysses.
Sa isang briefing kasama si Presidente Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng Gabinete sa Tuguegarao, Cagayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magha-hire sila ng 10,000 flood victims sa dalawang lalawigan sa ilalim ng Tulong Panghanap-Buhay sa Disadvantaged/Displaced Workers o ang TUPAD program ng pamahalaan.
Ayon kay Bello, binigyan na niya ng kapangyarihan sina Isabela Governor Rodito Albano at Cagayan Governor Manuel Mamba na mag-hire ng mga manggagawa na maglilinis sa mga lugar na nalubog sa baha nang manalasa si ‘Ulysses‘ sa naturang mga probinsya.
“Sa TUPAD, ito iyong ating emergency employment program, binigyan po namin ng authority si Governor Mamba na mag-hire ng 5,000 tao para maglinis at mag-ayos sa lalawigan ng Cagayan,” sabi ni Bello.
“Ganoon din ang ibinigay namin kay Governor Albano ng Isabela na makapag-hire ng 5,000 workers para sila ang maglinis at mag-ayos ng lalawigan ng Isabela.”
Inatasan naman ni Duterte ang kalihim na magbuhos ng kinakailangang pondo para maapektuhan ang mga apektadong residente.
Kamakailan ay nangako rin ang DOLE na magkakaloob ng emergency employment sa 5,000 biktima mula sa mga lalawigan sa Bicol Region, kabilang ang Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, at Masbate na sinalanta ng bagyong Rolly.
Comments are closed.