10K OFWs SA KUWAIT APEKTADO NG PARTIAL DEPLOYMENT BAN

KUWAIT

MANDALUYONG CITY – TINAYA ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Usec. Bernard Olalia na 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait ang maaapektuhan ng partial deployment ban sa ­unang quarter ng 2020.

Ang deployment ban ay kasunod ng umano’y brutal na pagpatay sa isang domestic helper ka­makailan.

Ayon kay Olalia, ang nasabing bilang ay mga bagong domestic helper na mayroon na sanang kontrata at may schedule na pag-alis gayundin ang mga returning OFWs.

Kaugnay pa rin ng insidente, sinuspinde ng POEA ang operasyon ng ahensiya ng biktimang OFW na si Jeanalyn Villavende.

Paliwanag ni Olalia, sinuspinde ang ahensiya ni Villavende nang mabigo itong iulat ang sitwasyon ng DH at maibigay ang hiling na umuwi.

Samantala, pinawi naman ng POEA na bagaman pinaiiral ang partial deployment ng OFW sa Kuwait ay bukas naman sa mga manggagawa ang iba pang bansa gaya sa Hong Kong at Saudi Arabia. EUNICE C.

Comments are closed.