UMAABOT na sa mahigit 10,000 ang bilang ng mga Filipino sa abroad ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.
Sa kabuuan may 10,003 Overseas Filipinos (OFs) ang nagdurusa sa COVID-19 makaraang madagdagan ng 19 na panibagong kaso ang mga ito mula sa Middle East.
Gayundin, nakapagtala naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 61 na Pinoy abroad na may COVID-19 na mula sa Asia, Pacific, Europa at Middle East.
Habang 9 na Pinoy naman mula sa Middle East ang naitalang nasawi dahil sa nasabing virus.
Kaugnay nito may 3,247 Pinoy Covid patients ang nanatiling ginagamot sa mga hospital.
Umabot din sa 6,014 kabuuang bilang naman ng mga Pinoy sa abroad ang gumaling sa naturang sakit, habang nasa 742 naman ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19 mula sa 72 mga bansa at rehiyon.
Sa bagong datos ng DFA pinakamarami pa rin ang naitala na nahawaan ng virus sa Middle East kung saan umabot na ito sa 6,946.
Pangalawa ang Europa na may 1,158 sumunod ang Asia Pacific Region na may 1,107 habang 792 naman sa America. LIZA SORIANO