NASA 10,000 persons with disabilities o PWDs ang makatatanggap ng food vouchers na nagkakahalaga ng P2,000 bilang “Pamaskong Handog” sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Paranaque.
Isinagawa ang distribusyon ng food vouchers ng lokal na pamahalaan sa lahat ng PWDs na nanggaling sa 16 na barangays sa lungsod.
Ang mga PWDs na nagmula sa 5 barangay na kinabibilangan ng Barangays Sto. Nino, La Huerta, Vitalez, Don Galo at San Dionisio ay nauna nang nakatanggap ng kanilang food vouchers na bahagi ng “Pamaskong Handog” program.
House-to-house ang ginawang pamamahagi sa mga food package.
Kasabay ng distribusyon ng food vouchers sa PWDs sa Barangay San Dionisio, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang hindi pa bakunadong residente na magpabakuna bilang proteksiyon laban sa COVID-19.
Samantala, sinabi naman ni Parañaque City Public Information Office (PIO) chief Mar Jimenez na base sa ulat ng City Health Office (CHO) at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Disyembre 7 ay mayroon na lamang ding natitirang 30 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Pinaalalahanan din ni Jimenez ang mga residente na huwag magpakakampante at ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa tuluyang pagtatapos ng nararanasang pandemya sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ