10M PIRASO NG BAGONG P1,000 BILL INILABAS NG BSP

BSP

NASA 10 million na piraso ng bagong P1,000 polymer banknotes ang inilabas ng  Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong nakaraang linggo.

Ayon sa BSP, bahagi ito ng phased issuance para sa pagpapakalat ng bagong disenyong pera.

Ang  initial quantity ay 2 percent ng kabuuang  polymer banknotes na ipakakalat ng central bank.

Sinabi ng BSP na may kabuuang 500 million na piraso ng bagong bill ang inaasahang ipakakalat kasama ang naunang paper version ng P1,000 banknote pagsapit ng 2023.

Inilabas ng central bank noong December ang bagong disenyo ng P1,000 polymer note, na dinisenyo ng BSP at inaprubahan ng National Historical institute.  Tampok dito ang Philippine eagle sa harap, na pumalit sa mga bayaning sina Vicente Lim, Josefa Llanes Escoda, at Jose Abad Santos.

Nakipagtulungan ang BSP sa Reserve Bank of Australia at sa wholly-owned subsidiary nito na Note Printing Australia para sa produksiyon ng  polymer banknotes, gamit ang materyales na katulad sa pera ng Australia, Canada, Mexico, New Zealand, at United Kingdom.

“BSP Governor Benjamin E. Diokno has repeatedly stated that there will be no demonetization of currently circulating banknotes and coins during his term,” sabi ng BSP.

Nauna na ring pinaalalahanan ng BSP ang publiko na ang bagong P1,000 banknotes ay hindi ipinagbibili.