10TH STRAIGHT WIN NILAMBAT NG NETS

NAHILA ng Brooklyn Nets ang kanilang NBA winning streak sa 10 games nang maungusan ang Hawks, 108-107, sa Atlanta.

Naitala ni Kyrie Irving ang 15 sa kanyang 28 points sa fourth quarter at nagdagdag si Kevin Durant ng 26 points, 16 rebounds at 8 assists para sa Nets — na ang winning streak ay ang pinakamahaba magmula sa 2005-06 season at ang pinakamahaba sa liga ngayong season.

Hindi napigilan ng pagkawala ni Hawks leading scorer Trae Young, gayundin nina Clint Capela at De’Andre Hunter, ang hosts sa pagtarak ng 63-56 halftime lead.

Subalit bumawi ang Nets sa third period at umiskor si Irving ng walong sunod na puntos sa isang layup at dalawang three-pointers upang palobohin ang kalamangan ng Nets sa 93-82 sa kaagahan ng fourth quarter.

Pagkatapos ay binigyan niya ng bola si Yuta Watanabe para sa isang floater na nagbigay sa Nets ng 13-point lead, may 8:40 ang nalalabi.

Sumagot ang Hawks, sa pangunguna ni Dejounte Murray na may 24 points, at naitabla ang talaan sa 104-104, may 1:48 sa orasan.

“Sounds pretty good,” pahayag ni Durant patungkol sa 10-game streak.

“It’s good to get some stability and win a few games along the way and have some fun,” sabi niya sa isang on-court television interviewer. “I was glad we were able to play a four-quarter game and understand what we needed to do to get a win,” ani Durant.

Sa iba pang laro ay naungusan din ni Zion Williamson at ng New Orleans Pelicans ang Minnesota Timberwolves, 119-118, habang nalusutan ng Chicago Bulls ang Milwaukee Bucks, 119-113, sa overtime.

Binura ng Sacramento Kings ang 19-point deficit upang pataubin ang Denver Nuggets, 127-126, habang humabol ang reigning champion Golden State Warriors upang gapiin ang Utah Jazz, 112-107.

Sa New Orleans, bumalik si Williamson mula sa tatlong larong pagliban dahil ss COVID concerns at umiskor ng career-high 43 points upang pangunahan ang Pelicans.

Naitala ni Williamson ang huling 14 points ng Pelicans at ang kanyang free throw, may apat na segundo ang nalalabi, ang naging game-winner sa isang fourth quarter na tinampukan ng siyam na lead changes at pitong beses na pagtatabla.

Umiskor sina Anthony Edwards at D’Angelo Russell ng tig-27 points para sa Timberwolves, subalit nagmintis si Edwards sa potential game winner habang paubos ang oras.