11 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING NABAWI

TAWI-TAWI -NASAGIP ng magkakasanib na operatiba ng Naval Forces Western Mindanao, 1st Special Operations Unit Maritime Group at Local Government Unit- Local Committees on Anti-Trafficking ang 11 hinihinalang biktima ng human trafficking na lulan ng MV Magnolia Liliflora sa Bongao Pier, Brgy Poblacion, Bongao.

Sa ulat nabatid na ang mga nailigtas ay kinabibilangan ng dalawang babae at siyam na lalaki at nakatakda ng ibiyahe patungo sa Sandakan, Malaysia sa pamamagitan ng backdoor channel na walang kaukulang work at travel documents.

Ayon naman sa salaysay ng mga biktima, pagdating sa Malaysia may susundo umano sa kanila para dalhin sa ipinangakong trabaho.

Agad namang itinurn over ang mga biktima sa Maritime Police Assistance Post sa Bongao Pier para sa comprehensive profiling and documentation.

Isasalang din ang mga ito sa counseling at stress debriefing sa ilalim ng Office of the Ministry of Social Welfare and Development ng Bongao. EVELYN GARCIA