11 BODEGA SINALAKAY, P300-M SMUGGLED RICE NASABAT

SMUGGLED RICE

TUMAMBAD  kahapon sa raiding team ng  pinagsanib na mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Bureau of Customs, at ng Philippine National Police ang malaking volume ng sako-sakong  imported rice  sa  mga bodegang sinalakay sa Marilao, Bulacan.

May 125,000 kaban  ng imported rice ang nakuha sa loob ng pitong warehouse na tinatayang nagkakahalaga ng umaabot sa  P300 million sa Fe­deral Corporation (FedCor) Compound sa Barangay Ibayo, Marilao, Bulacan.

Ayon sa report na nakarating sa pamunuan ng BOC, ang nasabing mga bigas ay mula  sa tatlong bansa na kinabibilangan ng Thailand, China, at India.

Nabatid na sa 11 bodega na pinasok ng raiding team ay pito sa mga ito ang sinasabing taguan o imbakan ng smuggled na bigas.

Hinihintay ng Customs authorities ang mga may-ari ng nasabing mga bodega at kargamento para magpresenta ng katunayan na nagbabayad ng duties and taxes sa mga bigas na nasa loob ng mga warehouse.

Ang pagsalakay sa mga warehouse  ay alin­sunod sa  utos ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte upang masawata ang rice hoarding at bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.  FROI MORALLOS

Comments are closed.