KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 11 katao na naging closed contacts o nakahalubilo ng Pinoy na unang kaso ng UK variant ng coronavirus disease COVID-19 sa Filipinas.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga nagpositibo ay ang girlfriend ng 29-anyos na lalaki, matapos ang re-swabbing sa kanya, gayundin ang nanay ng lalaki.
Ayon kay Vergeire, kasama rin sa nagpositibo sa COVID-19 ang siyam sa 159 na pasahero ng EK 332 ng Emirates Flight, na dumating noong Enero 7, at nakasama sa eroplano ng pasyente.
Mayroon ding isa na pasyente na napag-alaman na dati nang nagkaroon ng COVID-19 o recovering patient.
Sinabi ni Vergeire na ang samples ng mga nabanggit ay dinala na sa Philippine Genome Center (PGC) para masuri.
Gayunman, sa sitwasyon ng swab test sa nanay ng lalaki ay aabot sa 30 ang CT value at hindi tiyak kung tatanggapin ng PGC.
Nabatid na ang lalaki naman na unang kaso ng UK variant ng COVID-19 ay nasa stable nang kundisyon at malapit na ring matapos ang isolation period.
Samantala, sinabi ni Vergeire na mula sa anim na close contacts ng lalaki na hindi pa nakakausap, may dalawa na umanong nahanap. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.