11 DAYO TINUTUTUKAN SA CORONAVIRUS

Dayuhan

KINUMPIRMA kahapon ng Department of Health na 11 foreign nationals na nakapasok sa bansa ang inoobserbahan sa posibleng pagka-karoon ng novel coronavirus.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Malakanyang  ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang 11 mga dayuhan  ay kinabibilangan ng Chinese, German, Brazilian at American nationals na nakitaan ng mga sintomas habang nagbabakasyon sa bansa.

Tinukoy ni Duque na dalawa sa mga ito ay  nasa Metro Manila, isa sa Mimaropa region, isa  sa El Nido, Palawan, tatlo  sa Western Visayas, isa  sa eastern Visayas at  tatlo sa Central Visayas.

Sinusuri na ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang 11 pasyente na may history ng pagbiyahe sa Wuhan, China kung saan nagmula ang sakit na novel coronavirus.

Ayon sa kalihim, apat  sa 11 pasyente ang nakalabas na ng ospital ay nag-negatibo sa sakit habang ang test sample ng  pitong iba pa ay ipinadala na sa Melbourne, Australia para sa confirmatory test at karagdagang pagsusuri.

Tiniyak ni Duque na nananatiling novel coronavirus-free pa rin ang Filipinas dahil wala namang mga pasyente na nagpositibo sa naturang sakit.

Nagpapatuloy ang pagpapatupad ng  gob­yerno ng  mga  hakbang  gaya  ng Task Force n-CoV, pinagting  na  boarder screening, at masusing  pag-inspeksiyon sa  mga  posibleng  may taglay ng  virus  sa  mga  dumarating  na pasahero sa paliparan mula sa  ibang bansa.

Kasabay nito ay umapela naman si Duque sa publiko na huwag magpakalat ng mga maling balita kaugnay sa nabanggit na sakit upang hindi na  lumikha  ng pagkabahala sa taumbayan.

Pinaiiwas din  muna ni Duque ang publiko sa pagkain ng mga exotic food at mga hilaw na pagkain dahil sa novel coronavirus.

Ayon kay Duque mas makabubuting huwag munang kumain ng mga karne ng aso, pusa, daga, bayawak at iba pa at kung hindi makaiiwas ay tiya­kin din namang matagal ang pagkakaluto sa mga ito upang masigurong mapatay ang mikrobyong dulot nito.

Pinaliwanag ng kalihim na marami nang sakit ang tao na nakukuha sa pagkain sa mga hayop  kaya’t mas makabubu­ting iwas muna sa pagkain nito. EVELYN QUIROZ

One thought on “11 DAYO TINUTUTUKAN SA CORONAVIRUS”

Comments are closed.