MAGUINDANAO DEL NORTE – IKINAGALAK ng pamunuan ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang pagsuko ng loose firearms mula sa mga residente ng bayan ng Talitay sa lalawigang ito.
Ayon kay BGen. Oriel Pangcog, Commander ng 601st Brigade, ang hakbang na ito ng LGU ay malaking tulong upang mabawasan ang mga instrumento ng karahasan na siya ring isa sa mga hadlang upang mapaunlad ang bayan.
Ang pahayag ay matapos ang isinagawang ‘Balik-Baril Program’ sa Municipal Hall ng Brgy Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte nitong ika-25 ng Hulyo.
Kabilang sa mga isinukong baril ay ang mga sumusunod: apat na GL, 40mm; isang Cal .30 M1 Garand rifle, isang Sniper, Cal .30 Barrett Type at dalawang 7.62mm Sniper Type rifle bukod pa ito sa tatlong RPG Launcher at bala.
Ang nasabing mga baril ay mula sa siyam na mga barangay ng bayan na boluntaryong isinuko kay Lt. Col. Tristram Tolentino, ang Commander ng 2nd Mechanized Battalion.
Pinangunahan naman ni Hon. Sidik Amiril, alkalde ng bayan ng Talitay, ang ‘Balik-Baril Program’ na pormal na tinanggap ni Pangcog kasama si Cpt. Joel Albao, hepe ng Talitay PNP.
Agad na pinuri ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang mga residente kasama na ang pamahalaang lokal ng Talitay sa inisyatibang ito upang matanggal sa kamay ng mga hindi awtorisadong tao ang pagdadala ng instrumento ng karahasan.
VERLIN RUIZ