UMABOT na sa 11 katao ang naitalang namatay dahil sa dengue sa lalawigan ng Laguna sa nakalipas na pitong buwan.
Batay aniya ito sa isinagawang pahayag ni Laguna Provincial Health Officer (LPHO) Dr. Rene Bagamasbad kung saan umaabot na rin aniya sa halos apat na libo ang may mga kaso ng dengue sa buong lalawigan.
Naitala ang naturang bilang ng mga kaso ng dengue mula noong buwan ng Enero hanggang nitong ika-27 ng nakaraang buwan kabilang ang 11 katao na mga nasawi.
Kaugnay nito, agarang nagdeklara ng state of calamity ang lungsod ng Calamba bunsod na rin ng pagkamatay ng apat na katao samantalang umaabot na sa 735 kaso ang naitala ng City Health Office na nagmula sa 53 barangays.
Idineklarang nasa ilalim ng state of calamity ang naturang siyudad batay na rin sa motion ni Calamba City Councilor Atty. Pursino Oruga kung saan sinang-ayunan naman ito ng Sangguniang Panglungsod at ni Calamba City Mayor Justin Marc Chipeco makaraan ang idinaos na Special Session para matulungan at mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan.
Samantala, lumilitaw na napabibilang umano sa Top Ten na may mataas na kaso ng dengue ang mga lungsod ng Calamba, San Pedro, San Pablo, Biñan, Cabuyao, Sta. Rosa, bayan ng Nagcarlan, Calauan, Alaminos, at Pila ayon kay Bagamasbad.
Sa kasalukuyan, halos puno na ang lahat ng mga kuwarto ng pampublikong pagamutan kabilang ang iba pang pribadong hospital sa lalawigan dahil sa biglaang pagdami ng may mga sakit na dengue.
Idinagdag pa ni Bagamasbad, na patuloy aniya nilang bina-validate kung ang karamihan sa mga may sakit na dengue ay dati ng nabakunahan ng Dengvaxia kabilang ang 11 sa mga namatay habang patuloy na nagsasagawa ang mga ito ng monitoring sa lahat ng district hospital para matulungan ang mamamayan sa buong lalawigan. DICK GARAY
Comments are closed.