11-M PAMILYANG PINOY WALANG MALINIS NA TUBIG

MAY 11 milyong pamilyang Filipino ang walang nagagamit na malinis na tubig.

Sa paggunita ng World Water Day, binanggit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang bilang ay 41.6 porsiyento ng 26.393 milyong pamilyang Filipino.

Ito ay base sa ulat ng National Water Resource Board (NWRB).

“It’s such a sad reality that almost half of the total number of Filipino families do not have access to clean water due to lack of supply and sanitation,” pahayag ni Villanueva.

Inihain ng senador ang Senate Bill No. 1048 o Safe Drinking Water Act na naglalayong obligahin ang mga water service provider na magsumite ng water safety plan at magsagawa ng over-all examination sa kalidad ng tubig kada dalawang buwan.

Nakapaloob din sa panukala ang pagkakaroon ng permit at certifications tulad ng Certificate of Potability of drinking water ng mga supplier ng tubig.

“It is imperative that the government takes an active role in ensuring that every Filipino has safe and potable water by having a comprehensive management program on water safety planning,” ayon sa Majority Leader.

Para matiyak naman ang maayos na paggamit ng tubig sa bansa, inihain din ni Villanueva ang Senate Bill No. 2013 o “National Water Act” na naglalayong bumuo ng national framework para sa water resource management.