(11 mayors all in sa UniTeam) TAWI-TAWI NAGDEKLARA NG SUPORTA SA BBM-SARA TANDEM

NAGPASA ng resolusyon ang provincial government ng Tawi-Tawi sa ilalim ng Tawi-Tawi One Party (TOP) nitong Lunes para ideklara na opisyal nilang kandidato sa darating na halalan sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. at running-mate Inday Sara Duterte.

Sa isang pahinang resolusyon na nilagdaan ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Tawi-Tawi Gov. Yshmael “Mang” Sali, chairman ng TOP, sinabi nila na napagdesisyunan nilang suportahan ang BBM-Sara UniTeam dahil tiwala sila na matutulungan sila sa muling pag-unlad ng kanilang ekonomiya lalo na sa muling pagbangon mula sa pandemya bitbit ang mapagkaisang pamumuno.

“The province of Tawi-Tawi was not spared from the effects and devastation brought by the global pandemic. TOP believes that through unity, The Filipino people can rise again and achieve economic progress,” ayon sa resolusyon.

Idinagdag pa ng grupo na ang mga plataporma ng UniTeam tulad ng panawagang pagkakaisa, paglikha ng trabaho at konkretong plano sa pagbangon ng ekonomiya ay tumutugma sa mga pangangailangan ng probinsya.

“Resolved, as it is hereby resolved, that presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. and vice presidential candidate Inday Sara Duterte are hereby unanimously adopted as the candidates for president and vice president, respectively, of Tawi-Tawi One Party,” idineklara ng resolusyon.

Kasabay nito, sinabi ni Gov. Sali na 11 alkalde sa 11 munisipalidad ng Tawi-Tawi ang nagpahayag din ng buong suporta sa UniTeam.

Matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang Isla ng Tawi-Tawi ay kinabibilangan ng 11 munisipalidad.

Sa mahigit 400,000 populasyon ng probinsya at sa bilang na iyon mahigit 200,000 o 50 porsiyento ang botante sa lugar.

Malugod namang tinanggap ni Marcos ang suporta na ibinigay ng mga taga-Tawi-Tawi kasabay ng pangako na makakaasa sila ng agarang tulong sakaling maluklok siya sa pwesto sa darating na halalan sa Mayo 9.

“Napaka-importante itong support. Napakalaking bagay na ipakita rin sa tao na dumarami na ang sumasama sa atin. Nadaragdagan na hindi lamang taong-bayan kundi pati na ang mga political leaders siyempre sa iba’t ibang probinsya,” ani Marcos.