PANGUNGUNAHAN ni Cebu Archbishop Jose Palma ang Pontifical Mass para sa Fiesta Señor 2021 ngayong Linggo, Enero, 17.
Kinumpirma ni Cebu Archdiocese spokesman Msgr. Joseph Tan, na nakalabas na ng pagamutan nitong Sabado ng hapon ang arsobispo matapos na unang ma-confine noong Huwebes, Enero 14, dahil sa ilang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Paglilinaw naman ni Tan, hindi COVID-19 ang naging sakit ni Palma kung simpleng kaso lamang ng sipon na lumala dahil sa kakulangan nito sa tulog dala na rin ng hectic niyang iskedyul nitong holiday season.
Pinayuhan ng mga doktor si Palma na magpahinga upang bumilis ang kanyang paggaling.
Inaasahan namang si Palma ang magdedeliber ng homiliya para sa bisperas ng pista ng Señor nitong Sabado at maging sa mismong araw ng pista, kasama ng mga Augustinian Friars ng Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu.
“As what was agreed, the Archbishop will be presiding the Masses without congregation and will only be broadcasted through social media,” ani Tan.
Ang Fiesta Señor ay isang linggong selebrasyon tuwing Enero bilang parangal kay Señor Sto. Niño.
Gayunman, ngayong taon, kanselado ang mga physical masses para sa pista dahil na rin sa patuloy na banta ng COVID-19 at sa halip ay magsasagawa na lamang ng online masses para sa okasyon.
Sa kabilang dako, dahil pa rin sa COVID-19 pandemic, inanunsiyo ng mga pari ng Sto. Niño de Tondo at Sto. Niño de Pandacan Parishes sa Maynila na kaunti lamang ang mga misa na isasagawa nila ngayong weekend para hindi na rin pumunta ang mas maraming tao.
Ayon sa mga pari, kailangan din nila ng oras ng disinfection pagkatapos ng misa kaya hindi na oras-oras ang misa gaya dati.
Sinabi ni Fr. Estelito Villegas ng Tondo Church, na kung dati ay 33 misa ang ipinagdiriwang nila sa Sabado at Linggo tuwing piyesta, ngayon ay 11 misa na lang, kung saan tatlo dito ang gaganapin sa Sabado at walo naman sa Linggo.
Nasa 300 lang din ang papayagang pumasok sa loob ng simbahan habang ang iba ay papayagang tumayo sa labas ng simbahan.
Nabatid na naglagay ang simbahan ng halos 3,000 na markers sa labas.
Ayon naman kay Fr. Gilbert Kabigting ng Pandacan Church, dahil nasunog ang simbahan nila noong Hulyo, nagmimisa na lang sila sa isang temporary covered court kaya mas kaunti ang kapisidad nila ngayon.
Nasa 150 lang ang pwedeng pumasok sa loob habang mula sa 15 misa noon, ngayon nasa siyam hanggang 10 na lang ang kanilang isasagawa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.