NALAMBAT ng Malabon Police ang 11 katao kabilang ang 60-anyos na lola matapos ang isinagawang magkahiwalay na buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot dakong alas-4:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa 4th St., Brgy. Tañong.
Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makaiskor ng P500 halaga ng shabu sa kanilang target na sina Elena Gososo alyas “Duday”, 60-anyos, at Babyvie Feliciano alyas “Bebe”, 30-anyos.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba kasama sina Mary Grace Francisco, 41-anyos; Andie Lacson, 41-,anyos at Charles O’neal, 26-anyos.
Nakumpiska sa kanila ang nasa 14 gramo ng shabu na nasa P95,200.00 ang halaga at marked money.
Habang kalaboso rin sina Jeson Torres, alyas “Bato”, 37-anyos; Mark Albert Laurenciano, alyas “Tattoo” 32-anyos, at Gilberto Condeno, 37-anyos matapos makuhanan ng nasa 9.1 gramo ng shabu na may standard drug price P61,880.00 at P500 marked money sa buy bust operation sa Atis Road, Brgy. Potrero dakong alas-9:30 ng gabi.
Sa Brgy. Longos, nadamba rin ng isa pang team ng SDEU sa buy bust operation sa Hasa-Hasa St. si Robert Travello, 30-anyos; Irene Manangan, 43-anyos at Wilfredo Abayan dakong alas-2 ng madaling araw. Nakuha sa kanila ang nasa 11.7 gramo ng shabu na nasa P79,560.00 ang halaga at P500 marked money.
Nahaharap ang naarestong mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES