NEGROS ORIENTAL -NAGPAKAMATAY sa pamamagitan ng paglaklak ng pestisidyo ang barangay chairman na nakaladkad sa brutal na pagpaslang sa apat na pulis habang nagsanib-puwersa na ang Philippine National NAG(PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para tugisin ang 11 miyembro ng New People’s Army (NPA) na responsable sa nasabing insidente noong Hulyo 18 sa bayan ng Ayungon.
Bukod sa mga rebelde, may iba pang indibidwal ang posibleng kasuhan kasama sana ang kapitan ng Brgy. Yamot na si Sunny Caldera, 51-anyos, kung saan naganap sa kanyang nasasakupan ang pagpaslang dahil mistulang ginawang sinehan na may public viewing sa pagpapahirap at pagpatay sa apat na pulis.
Sa ulat, alas-3 ng hapon noong Lunes ay itinakbo si Caldera sa Bindoy District Hospital matapos na uminom ng pestisidyo.
Sinasabing inilipat ito sa Siliman Medical Center para malunasan subalit nalagutan din umano ng hininga.
Una nang kinumpirma ni PNP Chief, General Oscar Albayalde na makakasuhan ang kapitan sa naganap na krimen.
Ayon sa PNP chief, maraming testigo laban sa mga suspek dahil tinipon ng NPA ang mga taga-barangay para saksihan ang “execution” ng mga pulis.
“Kasama sa kakasuhan ang barangay captain dahil kaduda-dudang wala itong alam sa aktibidad ng NPA sa kanyang lugar,” una nang pahayag ng heneral.
Batay sa imbestigasyon, hinarap pa ni Caldera ang mga pulis na nagtungo sa kaniyang nasasakupan bago naganap ang krimen ng pasado alas-2 ng hapon noong nakaraang Huwebes.
Samantala, sinabi ni AFP Central Command Commander Lt. Gen. Noel Clement, na nagpapatuloy ang pursuit operations sa mga rebelde.
Aniya, isang batalyon ng sundalo kasama ang Regional Mobile Force Battalion ng PNP ang nagsasagawa ng operasyon.
Batay sa kanilang nakuhang report, lumipat na ang mga terorista sa katabing lalawigan ng Negros Occidental para magpalamig.
Paliwanag ni Clement, ang ginawa ng mga terorista sa apat na pulis ay bahagi ng kanilang planong itulak ang mga residente sa lugar na sumuporta muli sa NPA matapos na malinis ng militar ang lugar.
Matatandaan ang apat na pulis ay rumesponde sa sumbong ng prisensiya ng mga armadong tao sa Sitio Yamot, Brgy. Mabato na sakop ng nasabing bayan noong Hulyo 18, nang harangin sila at tinorture bago brutal na pinatay.
Mariing kinondena ni Lt. Gen Clement ang insidente at sinabing hindi gawain ng mga sibilisadong tao ang pag-execute sa mga sumukong kalaban. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ
Comments are closed.