MAYROON ng 11 ospital sa Metro Manila ang nagdeklara na ng full capacity o puno na ang inilaang COVID beds sa mga intensive care units (ICU) habang malapit na ring mapuno ang COVID beds ng tatlong iba pang ospital.
Ayon sa Department of Health (DOH), dahil na rin ito sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng nakamamatay na COVID-19 sa rehiyon.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga ospital na nag-ulat ng 100% utilization rate ng kanilang COVID-19 dedicated ICU beds mula pa noong Hulyo 3 ay ang Veterans Memorial Medical Center; UST Hospital; University of Perpetual Help Hospital; Tondo Medical Center; Seamen’s Hospital; Philippine Children’s Medical Center; Metro North Medical Center and Hospital; Las Piñas Doctors Hospital; De Los Santos Medical Center; Chinese General Hospital and Medical Center at ang Capitol Medical Center.
Samantala, nasa 97% naman na ang okupadong COVID beds sa Lung Center of the Philippines, 89% sa East Avenue Medical Center at 83% sa UE Ramon Magsaysay Hospital.
Gayunpaman, nilinaw ni Vergeire, hindi ito nangangahulugan na ang entire capacity ng mga ospital ang puno na kundi ang bilang lang ng beds na itinalaga para sa mga pasyente ng virus.
“When we talk about the percentage of beds that had been occupied already, it is not equivalent to the entire capacity of the hospital. Here, we are just referring to the dedicated beds for COVID (patients),” aniya pa.
Sa kabuuan aniya, ang critical care utilization rate sa Metro Manila ay nasa 63.41% na, bagaman mas mataas sa nationwide average ay itinuturing na rin “moderate risk.” ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.