WALONG araw bago ang Enero 31 deadline na itinakda ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para maghain ng courtesy resignation ang lahat ng third level officers ay may 11 senior police officers ang nagmamatigas pang magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay PNP chief Gen Rodolfo Azurin, 11 high-ranking officers na lamang ang hindi pa naghahain ng kanilang courtesy resignations na hiningi ng DILG bilang bahagi ng gagawing paglilinis sa kanilang organisasyon ng mga pulis na sangkot sa kalakalan ng droga.
Nabatid na tiwala si Azurin na tatalima rin ang tatlong heneral at walong colonel sa apela ni Interior Secretary Benhur Abalos na maghain ng kanilang mga courtesy resignation letter bago matapos ang buwang kasalukuyan.
“Itong 3 heneral at 8 colonel na ito, actually 7 ‘yon na magre-retire. So siguro they are still trying to discern na magsa-submit pa ba ako eh aabutan naman ako ng retirement,” pahayag ng heneral sa ginanap na pulong balitaan.
“But to us, we also still encourage them na mag-submit lang kayo so that at least kahit papaano ay totally maki-clear kayo kung anuman yung kahinatnan nitong evaluation and review ng individual na involvement ng lahat sa illegal drugs,” ani Azurin.
Sa kasalukuyan mahigit 900 ng colonels at generals mula sa pambansang pulis ang tumugon sa apela ni Abalos na maghain ng courtesy resignations.
Matapos ang itinakdang palugit ay bubusiin ng binuong 5-man panel ang record ng mga opisyal.
Nilinaw ni Azurin na kahit hindi maghain ng kanilang resignations ang mga nalalabing opisyal ay pakay pa rin sila o magsasagawa pa rin ng pagsisiyasat ang 5-man probe team kahit na nagretiro na sila.
Ayon sa PNP Directorate for Personnel and Records Management nasa 942 na ng 953 senior officers ang nakapaghain ng kanilang resignation letter. Verlin Ruiz