11 PROVINCIAL BUSES HINULI SA EDSA

NAGSIMULA  na kahapon ang unang araw ng pagpapatupad  ng  Metro Manila Development Authority (MMDA) ng “no loading at unloading policy” sa kahabaan ng EDSA kung saan 11 provincial buses ang hinuli na nagbababa at nagpapasakay ng mga pasahero sa naturang lugar.

Ayon kay MMDA EDSA traffic czar Bong Nebrija, ang ilan sa mga nahuling pasaway na provincial bus drivers ay namataang nagbababa ng mga pasahero sa EDSA-Ortigas na tiniketan sa paglabag ng naturang polisiya.

Sa pahayag naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia, plano ng MMDA na lagyan na nila ng bakod para hindi na makapagsakay at magkapagbaba ng pasahero ang mga provincial bus sa  EDSA.

Kasabay nito, ipinatupad din ng MMDA ang dry-run sa paggamit ng interim terminal sa Valenzuela at Santa Rosa, Laguna na ang layunin ay upang alisin na ang 47 bus terminals sa  EDSA at hindi na ito bibigyan pa ng business permit sa darating na Hunyo.

Nilinaw ng MMDA na dry-run pa lamang ito ngunit kinakailangan ng bawat bus company na may isa na sasama sa isinasagawang dry-run.

Nagsagawa rin ng alcohol testing si MMDA Inspectorate Anthony Cruz sa mga bus at jeepney driver sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na ang lahat naman ng nakuhanan ng eksaminasyon ay naging negatibo ang resulta.

Sa kabila ng pagsasaayos ng MMDA upang maibsan ang tindi ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, hindi naman sumang-ayon ang Provincial Bus Operations Association of the Philippines (PBOAP) na nagsabing isang  malaking pahirap para sa mga pasahero na manggagaling at papunta sa kani-kanilang mga probinsya ang naturang hakbangin bukod pa ang  gastos ng pasahe.

Sinabi naman ni MMDA spokesperson Celine Pialago na bigyan ng  pagkakataon ang dry-run ng  pag-ban sa provincial terminals. “Ito pong reinforcement natin ng pagbaba at pagsakay po sa hindi tamang babaan at sakayan. Suportahan n’yo po iyung agency because this is for all of us, this is for the common good,” ani Pialago.   MARIVIC FERNANDEZ