HINARANG ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 11 pinaghihinalaang biktima ng human trafficking na nagkunwaring mga turista para makalabas ng bansa.
Ayon sa report na nakarating sa opisina ng BI ang 11 Filipina ay nadiskubre ng immigration officers na magtratrabaho sa labas ng bansa taliwas sa kanilang naging pahayag na sila ay mga turista.
Hindi umubra ang modus ng mga ito dahil nadiskubre ng mga ito na pagkalabas ng bansa makukuha nila ang kanilang mga visa at working permit pagsakay sa kanilang connecting flight papunta sa kanilang final destination.
Matatandaan na nitong Mayo 19 ay dalawang pasahero ang pinigil ng BI Travel and Enforcement Unit (TCEU) sa NAIA Terminal 3 nang ma-bunyag na hindi sila patungong Singapore kundi ay sa Doha, Qatar para magtrabaho bilang mga domestic helper.
Makaraan ang dalawang araw ay naka-intercept muli ang mga taga- TCEU ng pitong kababaihan na nagpanggap bilang mga turista, ngunit inamin sa inisyal na imbestigasyon na sila ay papuntang Malaysia at magtatrabaho bilang mga waitress. Sinabi pa umano ng mga ito na sasahod ang bawat isa sa kanila ng halagang P28, 000 at magbabayad sa kanilang recruiters kapag nakatanggap na ng kanilang mga suweldo.
Ang 11 biktima ng human trafficking ay nasa Inter-Agency Council Against Trafficking sa NAIA terminal 3. FROILAN MORALLOS