11 ROAD SECTIONS SARADO SA CLEARING OPERATIONS

DPWH ROAD REBLOCKING

PANSAMANTALANG sarado pa rin sa publiko at mga motorista ang nasa 11 road sections dahil sa nagpapatuloy na clearing operations ng Department of Public works and Highways (DPWH) makaraang bayuhin ng nagdaang Bagyong Ulysses.

Kabilang sa saradong kalsada ang Cordillera Admi­nistrative Region o CAR; tatlo sa Region II; lima sa Region III at isa sa Region IV-A.

Ayon sa DPWH, hindi pa madaraanan ang mga natu­rang road sections dahil sa landslide, mudflow at pagbaha.

Gayundin, hindi pa rin madaanan ang Cagayan-Apayao Road, Itawes Bridge sa Tuao, Cagayan dahil sa nananatiling mataas ang tubig-baha.

Nagkaroon naman ng landslide sa Baybayog-Baggao-Dalin-Sta. Margarita Road kaya nanatiling sarado sa mga motorista.

Habang sa Isabela, hindi pa rin madaraanan ang Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge dahil din sa baha.

Mayroon namang  pitong kalsada na may “limited access” dahil din sa pagbaha, makapal na putik at napinsalang detour.

Tiniyak naman ng DPWH na patuloy ang pagsusumikap ng kanilang mga tauhan na tapusin na ang clearing operations sa mga road section na apektado.

Pinapayuhan naman ang mga motorista na gumamit ng ibang ruta dahil hanggang ngayon ay sinisikap pa ng DPWH na linisin ang lahat ng apektadong mga road sections.  PAUL ROLDAN

Comments are closed.