11 SANGAY NG POGO ISINARA

Task Force POGO

IPINADLAK ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 11 sangay ng itinutu­ring na pinakamalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa dahil sa non-registration at paglabag sa tax laws.

Ang mga sangay ng New Oriental Club88 Corporation (NOCC) ay matatagpuan sa iba’t ibang palapag ng apat na magkakahiwalay na gusali sa Parañaque City. Magkakasabay na isinara ng mga awtoridad ang lahat ng sangay.

Ang NOCC ay nagkakaloob ng customer relations service at live studio streaming.

Ayon kay BIR De­puty Commissioner Arnel Guballa, ang main office nito sa Makati City ay nakarehistro ngunit hindi ang operasyon ng mga sangay nito sa Pa­rañaque.

Sa datos ng gob­yerno, may 6,700 Chinese nationals ang nagtatrabaho sa nasabing POGO su­balit ang aktuwal na bilang ay ­maaaring tumaas sa 18,000.

Sa partikular na ­sangay na pinuntahan ng mga miyembro ng media, nasa 600 Chinese ang sinasabing nagtatrabaho.

Mahigit sa 50 Pinoy rin ang nagtatrabaho bilang drivers, cooks at housekeepers.

Sa pagtaya ng BIR, ang tax deficiency ng naturang POGO branches ay aabot sa bilyon-bilyong piso.

Paliwanag ni Guballa, kailangang bayaran ng main office ang nasabing mga buwis bago makapag-operate ulit ang mga sangay nito.

Noong nakaraang buwan ay ipinadlak ng Task Force POGO ang Altech Innovations dahil sa non-registration at hindi paghahain ng value-added tax (VAT) returns.

Noong September 25 ay ipinasara rin ang head office at mga sangay ng  Great Empire Gaming and Amusement Corp. sa Subic Freeport sa Olongapo, Eastwood sa ­Quezon City, at Aseana City sa Parañaque .

Kalaunan ay pinayagan ang Great Empire na magpatuloy sa operasyon makaraang mangakong babayaran ang P1.3 billion tax liability nito.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.