LAPU-LAPU CITY- LABING ISA katao ang malubhang nasugatan, isa rito ay kailangang putulan ng kaliwang binti kasunod ng naganap na karambola ng mga sasakyan kamakalawa ng hapon sa P. Rodriguez St. sa harap ng Lapu-Lapu City Central Elementary School sa lalawigang ito.
Kasalukuyang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang Lapu-Lapu City Police sa insidente na nagsimula umano sa pag-counterflow ng isang kotse na naging sanhi para magkabangaan ang ilang sasakyan kabilang ang tricycle na minamaneho lalaking pinutulan ng paa.
Ayon kay Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Nagiel Bañacia, bumangga ang tricycle sa isa pang sasakyan at multicab na jeep.
May 10 pang mga indibidwal ang nagtamo rin ng mga sugat at pasa dahil sa aksidente na pawang dinala sa ospital para malapatan ng lunas.
Patuloy pa na iniimbestigahan ng Lapu-Lapu PNP traffic division ang driver ng sedan matapos itong mag-counterflow na nagresulta sa head-on collision.
Ani Bañacia, hinihinalang nakatulog ang driver ng sedan kaya pumasok ito sa kabilang lane na naging sanhi ng banggaan ng mga sasakyan. VERLIN RUIZ