11 TIKLO SA PAGPUPUSLIT NG GIANT CLAMS

GIANT CLAMS

CAGAYAN – LABING-ISANG katao ang inaresto dahil sa pagpupuslit ng taklobo o giant clams nang masita sila sa inilatag na checkpoint ng awtoridad sa Barangay Lumbia.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Philipppine Fishers Code of 1998 ang 11 katao na inaresto matapos makuhanan ng 8,000 kilo ng giant clams o taklobo na tinatayang nagkakahalaga ng ilang milyon piso.

Kinilala ang mga suspek na sina Diosdado Abellana, 29; Ronel Pilarca, 30; Christhoper Pornia, 28; Ricky Sunogan, 50; Larry Salvan, 45; Arnel Sanchez, 49; Peterson Suan, 55; Ricky Allones, 35; Jed Ragmac, 29; Ramil Villagracia, 19; at Michael Paler, 24-anyos.

Ide-deliver ng mga suspek ang mga giant clams shell sa kanilang buyer lulan ng isang truck nang masabat sila sa checkpoint.

Ayon sa City Mobile Force Batallion commander Lt. Col Alexy Sonido, alam naman ng mga suspek na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha at pagbebenta ng mga taklobo na itinuturing na endangered species.

Sa ngayon, hawak na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga nakumpiska nilang taklobo. VERLIN RUIZ