TARLAC-BAGAMAN wala pang naitatalang nagpositibo sa coronavirus (COVID-19) sa lalawigang ito, ipinatawag ang lahat ng nurse, doctor at medtech na pulis sa Camp Macabulos.
Ayon kay PNP Provincial Director P/Col. Dave Poklay, ginawa niya ang aksiyon upang matiyak ang ayuda sa mga mamamayan.
Aniya, nasa 110 mga pulis nurses, medtech at doktor ang naka-standby at naka-full alert sakaling lumala ang sakit na coronavirus.
Nakahanda rin ang mga pulis na ito na tumulong sa mga checkpoint maging sa mga pagamutan sakaling kapusin ng health workers ang probinsiya.
Sa kasalukuyan kasi base sa record ng Tarlac Provincial Health Office, may anim na tao na ang nasa ilalim na ng person under investigation (PUI) sa iba’t ibang ospital, habang nasa 20 naman ang person under monitoring (PUM) sa kani-kanilang bahay o tinatawag na home quarantine.
Samantala, nanatili naman ang regular checkpoints ng PNP sa iba’t ibang lugar sa 17 bayan at isang lungsod.
Kaugnay nito ay muling ipinaalala ni Poklay sa publiko na bawal muna ang mass gatherings, iwasan ang matao na lugar upang makaiwas sa sakit, ugaliin din ang pagiging malinis sa katawan, at ang tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing para maiwasan ang pagkakahawa ng virus. THONY ARCENAL
Comments are closed.