11,021 BAGONG KASO NG COVID-19

NAKAPAGTALA  pa ang Department of Health (DOH) ng 11,021 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, sanhi upang umakyat sa mahigit 76,000 ang active cases nito.

Batay sa 4PM case bulletin no. 511 na inilabas ng DOH araw ng Sabado, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,649,341 ang total COVID-19 cases ng Pilipinas.

Sa naturang bilang, 4.6% pa o nasa 76,063 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Kabilang sa mga active cases ang 93.0% na mild cases, 3.0% na asymptomatic, 1.8% na severe, 1.19% na moderate, at 1.0% na critical.

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 9,194 pasyente na bagong gumaling sa karamdaman.

Dahil dito, umaabot na sa 1,544,443 ang total COVID-19 recoveries ng bansa o 93.6% ng total cases.

Samantala, may 162 pang pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa sakit.

Sa kasalukuyan, umakyat na sa 28,835 ang total COVID-19 deaths ng bansa o 1.75% ng total cases.

Anang DOH. mayroong 15 duplicates ang inalis nila mula sa total case count, kasama rito ang 14 recoveries.

Bilang karagdagan, 10 kaso rin na unang na-test na negatibo sa sakit ang inalis rin sa total case count. Ang 10 ito ay pawang recoveries.

Mayroon naman umanong walong kaso na unang tinukoy na nakarekober na mula sa karamdaman ngunit nang i-validate ay aktibong kaso pa pala.

Mayroon din 94 kaso na unang natukoy na gumaling na sa karamdaman ngunit malaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.

Batay naman sa pinakahuling ulat ng DOH, nabatid na lahat din ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 5, 2021 habang mayroong tatlong laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 3 labs na ito ay humigit kumulang 0.3% sa lahat ng samples na naitest at 0.3% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Idinagdag pa ng DOH na maaaring makita ang mataas na bilang ng kaso sa susunod na mga araw.

Anang DOH, ang mga trend sa susunod na araw at linggo ay depende sa aksiyon na gagawin ng gobyerno, local government units (LGU) at ng mga mamamayan.

“Tandaan natin na laging sumunod sa minimum public health standards at magpabakuna kapag tayo ay nabigyan na ng pagkakataon,” anito pa. Ana Rosario Hernandez

49 thoughts on “11,021 BAGONG KASO NG COVID-19”

Comments are closed.